--Ads--

Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panukalang polisiya na magtatakda ng mas mahigpit na regulasyon sa paggawa, distribusyon, at paggamit ng solar energy systems sa Pilipinas.

Sa isinagawang public consultation, iprinisinta ng DTI ang draft administrative order na mag-oobliga sa mga solar components na sumailalim sa Philippine Standards (PS) certification bago maibenta sa merkado.

Sakop ng panukala ang mga solar inverters, cables, batteries, at iba pang bahagi ng solar power systems, kabilang ang lokal at imported na produkto.

Layunin ng hakbang na masiguro ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidente gaya ng sunog at electrical hazards na maaaring dulot ng hindi maayos na installation o substandard na kagamitan.

--Ads--

Aatasan din ang mga importer na kumuha ng import commodity clearance bago makapasok sa bansa ang kanilang produkto.

Ayon sa DTI, magtatakda rin ng regular na inspeksyon at maaaring patawan ng parusa ang mga lalabag, kabilang ang product recall at cease and desist order.

Bibigyan naman ng 60 araw ang mga stakeholder upang magsumite ng komento sa panukalang polisiya.