CAUAYAN CITY – Labingsiyam na araw matapos mawala ang isang pulis noong June 3, 2022 ay hindi pa rin siya natatagpuan o umuuwi sa kanilang bahay sa San Mateo, Isabela.
Si PSMS Antonino Agonoy, chief intelligence officer ng Cabatuan Police Station ay unang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang kanyang pagkawala noong June 3, 2022.
Huli siyang nakita sa Cabatuan Police Station at natagpuan naman ang kanyang motorsiklo sa Cauayan City.
Kahapon ay dumalaw si PCol. Julio Go, panlalawigang direktor ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa bahay ng pamilya ni Agonoy sa Barangay 3, San Mateo Isabela.
Hiniling ng pamilya ni Agonoy Kay PCol. Go ang masigasig na paghahanap sa kanya.
Ayon kay Ginang Delia Agonoy, hanggang ngayon ay hindi nila malaman kung ano ang dahilan ng pagkawala ng kanyang anak.
Naglaan ng pabuya ang pamilya at mga kaibigang pulis na nagkakahalaga ng 120,000 pesos para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang matagpuan ang nawawalang si PSMS Agonoy.