Kasunod ng pamamaril na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad sa isang paaralan sa Tacloban, muling umigting ang panawagang repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, kabilang ang mga probisyon nito hinggil sa criminal liability ng mga kabataan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, Presidente at founder ng Lawyers for Commuters Safety Protection, sinabi niya na dapat nang ibalik ang Revised Penal Code upang mapababa ang edad para sa kriminal na pananagutan.
Nakasaad sa article 12 ng revised penal code na ang mga edad 9 pababa ay exempted sa criminal liability habang ang mga edad 9 pataas hanggang 15 ay exempted din maliban na lamang kung sila ay kumilos nang may discernment o nauunawaan nito ang kaniyang ginawa.
Malayo aniya ito sa umiiral na batas na Juvenile Justice and Welfare Act dahil batay sa section 2 ng naturang batas, ang mga edad 15 pababa ay ligtas sa criminal liability habang ang mga above 15 ngunit below 18 ang edad ay maaari ring ma-exempt liban na lamang kung may discernment ang kanilang aksyon.
Bagama’t naiintindihan nito ang sentimyento ng ilan na hindi criminal ang mga bata, nananatili pa rin umanong malaking tanong kung bakit inuuna ang rehabilitasyon ng gumawa ng krimen sa halip na unahin ang pagbibigay ng hustisya ang biktima.
Binigyang-diin nito na maaari namang ma-rehabilitate ang mga menor de edad na criminal nang hindi nako-kompromiso ang hustisya.
Hindi naman aniya kinakailangang isama ang mga ito sa kulungan ng mga nakatatanda dahil maaari naman silang magkaroon ng sariling kulungan kung saan maaari silang sumailalim sa rehabilitasyon upang sa ganoon ay maramdaman pa rin ng pamilya ng mga biktima na mayroon pa ring hustisya sa Pilipinas.










