--Ads--

Nanawagan ng pang-unawa si Mayor Allyssa Sheena Tan-Dy sa mga Santiagueño habang patuloy na isinasagawa ng lokal na pamahalaan ang malawakang house-to-house distribution ng bigas, kasabay ng pag-amin sa mga umiiral na hamon sa paghahatid ng ayuda sa libu-libong kabahayan sa lungsod.

‎Ayon kay Mayor Sheena Tan-Dy, sadyang pinasimple ng pamahalaang lungsod ang katatapos lamang na Balamban Dance Festival upang maiprayoridad ang agarang pangangailangan ng mga mamamayan sa harap ng patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.

‎Aniya, sa halip na ilaan ang malaking bahagi ng pondo sa mga gastusin para sa selebrasyon, ginamit ito upang makabili ng tinatayang 53,000 sako ng bigas na kasalukuyang ipinamamahagi sa bawat pamilyang Santiagueño.

‎Gayunman, kinilala ng alkalde na nahaharap ang programa sa malaking hamon bunsod ng kawalan ng isang komprehensibo at maayos na talaan ng mga household heads, dahilan upang maging mas masalimuot ang proseso ng distribusyon kumpara sa iba pang programang nakabatay sa mga opisyal na listahan ng benepisyaryo.

‎Binigyang-diin ng Alkalde na hindi maiiwasan ang pagkaantala sa ilang lugar, partikular sa mga barangay na may malalaking populasyon, dahil apat na distribution teams lamang ang sabay-sabay na nag-iikot upang tiyaking personal na maihahatid ang ayuda sa mga kabahayan.

‎Sa kabila nito, tiniyak ng alkalde na puspusan ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan upang maging maayos, patas at organisado ang distribusyon, habang hinihiling ang patuloy na pasensya at kooperasyon ng publiko hanggang sa ganap na maipamahagi ang ayuda sa lahat ng target na benepisyaryo sa lungsod.