Paiigingin ng pamahalaang panlungsod ng Santiago ang koordinasyon sa mga barangay upang matiyak ang malinis at patas na listahan ng mga benepisyaryo para sa ipatutupad na house-to-house rice distribution sa Lungsod.
Ayon kay Santiago City Mayor Sheena Tan, hindi na voters list ang magiging pangunahing batayan sa pamamahagi ng tulong kundi ang aktwal na bilang ng mga pamilya sa bawat barangay upang masiguro na mas maraming nangangailangan ang mabibigyan ng ayuda.
Layunin nito na maiwasan ang mga sitwasyon kung saan may mga pamilyang hindi nakarehistro ngunit nangangailangan ng tulong.
Katuwang ng lokal na pamahalaan ang mga Barangay Health Workers (BHW), Barangay Nutrition Scholars (BNS), at mga opisyal ng barangay sa isa-isang beripikasyon ng listahan ng mga tatanggap. Isasagawa rin ang direktang paghahatid ng tig-25 kilo ng bigas sa bawat pamilya.
Humingi naman ng paumanhin ang alkalde sa publiko dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipatutupad ang ganitong sistema. Gayunman, tiniyak niyang magiging maayos at organisado ang distribusyon.
Bilang bahagi ng transparency, ipapaskil ng pamahalaang lungsod ang presyo ng bawat kalahating kaban ng bigas, kaugnay ng P23 milyong pondo mula sa pambansang programa na dinagdagan pa ng P30 milyon mula sa lokal na pondo upang masaklaw ang mas maraming benepisyaryo.
Binigyang-diin ng alkalde na layunin ng programa na maging inklusibo at hindi lamang nakatuon sa piling sektor. Aniya, natuto ang pamahalaan mula sa naging reaksyon ng publiko sa naunang ayuda na nakatuon lamang sa transport sector.
Dahil dito, nagpatupad din ang lungsod ng cost-cutting measures, kabilang ang pagbawas sa pondo para sa ilang aktibidad gaya ng Balamban Dance Festival upang mailaan ang mas malaking budget sa food assistance program para sa lahat ng residente ng Santiago City.









