Walang katiyakan kung tuluyang mareresolba ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati sa Forbes Global CEO Conference sa Singapore, sinabi ng Pangulo na sa ngayon ay mahalagang mapamahalaan ang tensyon upang maiwasan ang mga pagkakamali at maling interpretasyon na maaaring magpalala sa sitwasyon.
Gayunman, determinado ang Pilipinas na makabuo ng kasunduan, kabilang ang Code of Conduct, upang mapahupa ang tensyon sa pinag-aagawang karagatan.
Inamin din ni Marcos na isa sa kanyang pinakamalaking pangamba ang posibleng pagkakamali ng isang sundalo na maaaring magbunsod ng mas malawak na komprontasyon.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at kalayaan sa paglalayag sa WPS, hindi lamang para sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.











