--Ads--

Patuloy na nakatutok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang buong pamahalaan sa epekto ng habagat, Tropical Storm Luis at Bagyong Maymay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pinangunahan ng Pangulo ang isang situation briefing kasama ang mga kaukulang ahensya upang tiyakin ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga apektadong residente, lalo na sa mga liblib na lugar, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa ₱39.37 milyon ang halaga ng ayuda na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar kabilang ang Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at iba pang rehiyon.

Nasa 3,841 personnel ang nakahanda para sa search and rescue operations, habang nagdeploy ang AFP, PNP at PCG ng 14 air assets at isang kagamitang pandagat. Mayroon ding 4,392 standby personnel at 943 kagamitan para sa agarang deployment.

--Ads--

Ayon sa DSWD, nakapagpamahagi na ito ng 54,370 family food packs at iba pang relief items, habang halos ₱1 milyon na ang naibigay na tulong pinansyal sa ilalim ng AICS program.

Sa ngayon, may nakahandang halos limang milyong family food packs, 245,474 non-food items at ₱1.61 bilyong standby funds ang DSWD para sa mga maaapektuhan ng kalamidad sa buong bansa.