Umabot na sa 35 sa kabuuang 65 barangay ng Cauayan City ang naapektuhan ng African swine fever o ASF, batay sa datos ng lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Rufino C. Arcega, sinabi niyang magkakaiba ang panahon kung kailan naitala ang mga kaso sa bawat barangay.
Karamihan umano sa mga apektado ay mga backyard hog raiser na nakaranas ng malaking pagbaba sa bilang ng kanilang mga alagang baboy.
Dahil dito, nagkakaroon na rin umano ng kakulangan sa suplay ng baboy sa lungsod kaya kinakailangan pang kumuha ng suplay mula sa mga kalapit na lugar.
Samantala, sinimulan na rin ang paglilinis at pagdidisimpekta sa mga kulungan ng baboy na naapektuhan ng ASF upang makatulong na maiwasan ang panibagong pagkalat ng sakit.
Dahil sa pangambang malugi, may ilang hog raiser umanong nagbebenta ng kanilang mga alagang baboy bago pa maapektuhan ng sakit.
Gayunman, hinihikayat silang iwasang magbenta o maglipat ng mga baboy na pinaghihinalaang may ASF.
Kaugnay nito, paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang pagbabantay sa mga checkpoint at inspeksyon sa mga baboy na ipinapasok sa lungsod upang maiwasan ang panibagong pagkalat ng sakit.











