Nagsampa ng panibagong reklamong cyberlibel at perjury si National Security Adviser Eduardo Año sa Department of Justice (DOJ) laban sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines, at sa abogado na si Atty. Levito Baligod.
Ang hakbang ay isinagawa isang linggo matapos ihain ni Año ang kanyang unang reklamo kaugnay ng umano’y pagdawit sa kanya sa isyu ng bulto-bultong salapi mula kay dating mambabatas Zaldy Co. Ayon kay Año, inamin mismo ng abogado ang pagmamanipula sa mga isinumiteng salaysay.
Inakusahan si Año na tumanggap ng paper bag matapos ang isang pagpupulong sa Polo Club townhouse kasama sina Co, dating Speaker Martin Romualdez, at Representative Leila De Lima ng Partido Liberal. Nilinaw ng kalihim na mas personal ang ikalawang reklamo kumpara sa naunang isinampa, na nakatuon sa pagpapakalat ng pekeng balita.
Aniya, walang malinaw na tinukoy sa joint affidavit kung sino ang direktang nakakita sa mga paratang laban sa kanya. Naniniwala si Año na may dalawang indibidwal na nasa likod ng pagdadawit sa kanyang pangalan, ngunit tumanggi siyang ilahad ang kanilang pagkakakilanlan.
Idinagdag din ng kalihim na iniimbestigahan ng pamahalaan ang posibleng sabwatan na naglalayong pabagsakin ang gobyerno.
Noong nakaraang linggo, unang kinasuhan ni Año sina Baligod, ang mga nagpakilalang dating Marines, at dating Congressman Mike Defensor sa paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.







