Ipinahayag ni Mayor Sheena Tan-Dy na unti-unting nagbubunga ang pinaigting na mga programa ng pamahalaang lungsod para sa trabaho at kabuhayan matapos na bumaba sa 3 porsiyento ang unemployment rate sa Santiago City ngayong taon.
Ayon sa alkalde, mula sa 6 na porsiyentong antas ng kawalan ng trabaho noong taong 2022 ay bumaba ito sa 4 na porsiyento noong 2025 bago tuluyang lumiit sa kasalukuyang 3 porsiyento, na aniya’y patunay ng pinagsama-samang interbensiyon ng pamahalaan sa paglikha ng mga oportunidad sa hanapbuhay at kabuhayan.
Sinabi ni Mayor Sheena Tan-Dy na kabilang sa mga hakbang na isinulong ng lokal na pamahalaan ang Project Talbos at iba pang programang nakatuon sa pagpapalawak ng akses ng mga mamamayan sa trabaho at mapagkakakitaan.
Kasabay nito, inihayag ng alkalde na isinusulong ng lungsod ang pagbuo ng isang kooperatiba para sa mga solo parent na magbibigay-daan sa paglinang at pagproseso ng mga lokal na produktong agrikultural mula sa mga prutas at ani na karaniwang hindi naipagbibili sa pamilihan.
Layunin ng naturang inisyatiba na mapakinabangan ang mga hindi namamaximize na produkto at makalikha ng karagdagang mapagkakakitaan para sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng paggawa ng mga value-added products.
Binigyang-diin ni Mayor Sheena Tan-Dy na patuloy na sisikapin ng pamahalaang lungsod na tuklasin at paunlarin ang iba’t ibang potensyal ng Santiago City upang matiyak na hindi mawawalan ng oportunidad ang mga residenteng naghahanap ng hanapbuhay at kabuhayan.
--Ads--










