--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang dalawang katao sa banggaan ng motorsiklo at truck sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Barangay Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang mga sangkot ay ang Isuzu truck na minaneho ni Jeffrey Afable, 33 at residente ng Brgy. Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya habang ang isa pang sangkot ay ang Yamaha Mio na minaneho naman ni Nikko Mario Raza, nasa wastong gulang at residente ng Brgy. Homestead, Bambang, Nueva Vizcaya at angkas nito na si Alyas “Banjo” ng Brgy. Banggot, Bambang.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na binabagtas ng truck ang nasabing lansangan patungong Bambang habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang motorsiklo nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nagovertake umano ang motorsiklo sa isa pang sasakyan subalit nakasalubong at nakabanggaan nito sa kabilang linya ang paparating na truck.

Dahil sa pagkakabangga ay nagtamo ng malalang sugat ang mga sakay ng motorsiklo na dinala pa sa pagamutan subalit idineklara nang mga dead on arrival.

--Ads--