--Ads--

Inihain sa Office of the Ombudsman ang magkakahiwalay na reklamo laban kina Uswag Ilonggo Representative Jojo Ang Jr., dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, negosyanteng si Alfonso Tan, at mga opisyal ng ilang construction companies kaugnay ng umano’y katiwalian at pinsalang pangkalikasan sa Antique.

Kabilang sa mga kumpanyang idinawit ang Sunwest Inc., International Builders Corp., J.E. Tico Construction Company, Allencon Development Corp., at A.M. Oreta & Company.

Inihain ng Amlig Antique Alliance, grupo ng mga environmental advocate, ang limang reklamo na may kaugnayan umano sa mga proyektong ipinatupad mula 2019 hanggang 2025 na sinasabing lumabag sa environmental laws at procurement rules.

Kasama rin sa mga inireklamo ang ilang dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region VI, DPWH Antique District Engineering Office, at Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau Region VI.

--Ads--

Samantala, nagpahayag ng suporta ang Kahublagan Kontra Kurapsyon at iba pang mga environmental advocate sa Panay, na nagsabing bahagi lamang ito ng mas malawak na kampanya para sa pananagutan sa mga umano’y katiwalian at paglabag sa kalikasan.

Ayon sa grupo, naghahanda pa sila ng karagdagang mga reklamo na sasaklaw sa 91 government contracts na nagkakahalaga ng mahigit ₱7.3 bilyon mula 2017 hanggang 2025.

Matatandaang una nang iginiit ng Amlig Antique Alliance na nagdulot umano ng malawakang pinsala sa kalikasan ang ilang proyekto ng Sunwest Inc., habang nagdala rin ang ilang indigenous people ng mga larawan at video ng gumuguhong kabundukan na iniuugnay nila sa naturang mga proyekto.