Nagkaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin sa sidelines ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia.
Sa kanilang pagpupulong, tinalakay ng dalawang lider ang pagpapalakas ng kooperasyon sa larangan ng seguridad sa pagkain at enerhiya, lalo na sa gitna ng mga hamong dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan na may epekto sa suplay at presyo ng enerhiya sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa ulat, inimbitahan ni Marcos si Putin na dumalo sa ASEAN Summit na nakatakdang idaos sa Nobyembre.
Kasalukuyang nasa kabisera ng Republic of Tatarstan si Marcos upang kapwa pangunahan kasama ni Putin ang ASEAN-Russia Commemorative Summit.
Dumating ang Pangulo sa Russia noong Martes ng umaga at sinalubong ng mga opisyal ng tradisyunal na Chak-Chak, isang tanyag na pastry sa rehiyon, bilang bahagi ng seremonyal na pagtanggap sa kanya.
Sa ginaganap na summit, inaasahang susuriin ng mga lider ng ASEAN at Russia ang naging takbo ng kanilang 35 taong ugnayan at tatalakayin ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang kooperasyon sa mahahalagang sektor tulad ng enerhiya, seguridad sa pagkain, kalakalan, at pamumuhunan.
Layunin ng pagpupulong na palawakin ang pagtutulungan sa pagitan ng ASEAN at Russia upang matugunan ang mga hamon sa ekonomiya at matiyak ang mas matatag na suplay ng pagkain at enerhiya para sa mga bansang kasapi ng rehiyon.











