Mahigpit na binabantayan ng Philippine Consulate General sa Los Angeles ang malawakang immigration operations ng US federal authorities sa California, na nagdulot ng tensyon at protesta mula sa mga grupo ng karapatang pantao.
Ayon kay Consul General Adelio Angelito Cruz, iniimbestigahan pa ang ulat na isang 55-anyos na Pilipino mula Ontario, California ang kabilang sa mga inaresto ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Ang nasabing indibidwal ay may pending immigration case at dati nang nahatulan ng 4 na taong pagkakakulong para sa burglary. Sa kasalukuyan, siya ay nagsisilbi ng 37-taong sentensiya kaugnay sa sexual assault at attempted rape sa Pomona.
Ang ICE operations na nagsimula noong Biyernes ay nagbunsod ng malawakang protesta sa Los Angeles, kung saan kinundena ng mga advocacy groups ang umano’y labis at diskriminatoryong pagpapatupad ng batas.
Matatandaan na sumiklab ang kaguluhan noong Linggo matapos ipakalat ni Pangulong Donald Trump ang 2,000 National Guard Troops upang protektahan ang mga FEderal Buildings, kabilang ang detention center sa downtown.
Libu-libong demonstrador ang nagtipon sa lansangan, humarang sa freeway, at sinunog ang mga self-driving na sasakyan habang ang mga pulis ay gumamit ng tear gas, rubber bullets, at flash bangs upang kontrolin ang sitwasyon.
Inihayag ni Bombo International News Correpondent Marisa Pascual na inakusahan ni California Governor Gavin Newsome si Us President Donald Trumpna nagpapalala ng tensyon sa LA Downtown kung nasaan ang mga nag kikilos protesta sa pamamagitan ng pag deploy ng National Guard.
Ito ay matapos na ikagalit ni Trump ang mabagal na pagtugon ng LA Police sa sitwasyon at hindi agad pag-contain sa kaguluhan.
Sa ngayon nanawagan na ang mga opisyal sa mga protesters na maging mapayapa upang hindi na lumala ang sitwasyon.
Ang protesta ay nag-ugat sa malawakang immigration crackdown ng administrasyon, kung saan mahigit 100 katao ang naaresto sa Los Angeles.