--Ads--

Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang YAKAP o “Yaman ng Kalusugan Program” sa Lungsod ng Ilagan bilang bahagi ng pagpapalakas ng access sa murang gamot para sa mga miyembro nito sa Northern Luzon.


Isinagawa ang launching sa nasabing lungsod kung saan ito na ang ikaapat na lugar sa bansa na pinatutupad ang naturang programa matapos itong ilunsad sa Lucena City, Cebu City, at Davao City.

Ayon sa PhilHealth, saklaw ng programa ang humigit-kumulang 75 klase ng gamot na maaaring i-avail ng mga benepisyaryo, kabilang ang mga para sa karaniwang sakit tulad ng diabetes, altapresyon, mataas na cholesterol, asthma at iba pang impeksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Edwin Mercado, President at CEO ng PhilHealth, na layunin ng programa na matulungan ang mga miyembro lalo na sa outpatient treatment sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat at abot-kayang mga gamot.

Binigyang-diin ni Dr. Mercado na may nakalaan na pondo para sa bawat benepisyaryo upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng kinakailangang gamot.

--Ads--

Kasabay ng paglulunsad ay nagsagawa rin ng walk-through activity kung saan ipinakita sa mga dumalo ang proseso kung paano makaka-avail ng benepisyo ang mga miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng YAKAP Program.

Isa sa mga unang nakinabang sa programa ay si Cherry Lyn Aguto, na nagpahayag ng pasasalamat sa PhilHealth dahil sa tulong na natanggap niya sa kanyang gamutan.

Samantala, tiniyak din ng PhilHealth na may sapat na monitoring system upang masigurong maayos na naipapamahagi ang mga gamot sa mga accredited facilities at natutugunan ang pangangailangan ng mga miyembro.

Sa pamamagitan ng YAKAP Program, inaasahang mas mapapalawak pa ang serbisyong pangkalusugan at mabibigyan ng agarang tulong ang mga Pilipino, lalo na sa usapin ng access sa essential medicines.