Bumagsak ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) sa ilalim ng 6,000 level nitong Biyernes, habang naglabasan ng puhunan ang mga investor bago ang weekend dahil sa pangamba sa epekto ng krisis sa langis sa ekonomiya.
Bagsak ng 64.56 points o 1.06 percent ang PSEi upang magsara sa 5,999.13.
Nanguna naman sa pagbaba ang mga conglomerates habang mas marami ang nalugi kaysa sa umangat na stocks.
Ayon sa mga market analyst, nanatili sa sidelines ang mga investor habang hinihintay ang monetary policy meeting ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Dagdag pa rito ang babala ng International Monetary Fund na ang labis na pag-asa ng Pilipinas sa imported na langis ay sumusubok sa tibay ng ekonomiya sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sinabi rin ng mga ekonomista na bumababa ang market dahil sa pangamba sa posibleng pagtaas ng inflation at posibilidad ng monetary tightening ng BSP, na maaaring makaapekto sa paglago ng ekonomiya.
Ayon pa sa mga financial experts, ang merkado ay nananatiling mahina matapos ang mga pahiwatig ng BSP tungkol sa posibleng paghihigpit sa polisiya o pagtaas ng interes upang mapigilan ang inflation.











