--Ads--

Kinuwestiyon ni Senator Pia Cayetano ang legalidad ng isinagawang sesyon ng Senado nitong Miyerkules, Hunyo 3, na dinaluhan lamang umano ng 12 senador, giit niya na hindi ito sapat para bumuo ng quorum at magsagawa ng opisyal na sesyon.

Ayon kay Cayetano, malinaw sa 1987 Constitution na ang Senado ay binubuo ng 24 na miyembro at kinakailangan ang mayorya ng kabuuang bilang upang makapagsagawa ng pormal na sesyon.

“The Constitution says the Senate has 24 senators and that a majority of each House shall constitute a quorum to do business,” aniya.

Binanggit din niya ang Senate Rules na nagsasaad na ang mga opisyal ng Senado ay dapat mahalal sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng miyembro ng kapulungan.

--Ads--

“So today, when 12 senators convened and purportedly held session, how can that be valid?” tanong niya.

Tinukoy rin ni Cayetano ang kasong Avelino vs. Cuenco, na ginagamit umano bilang batayan sa argumento na sapat ang 12 senador para sa mayorya, ngunit iginiit niyang hindi ito maaaring basta gamitin sa ibang sitwasyon.

“They cite the case of Avelino vs. Cuenco… But as any freshman law student knows, you can’t pull out the rationale of a case and use it to suit your needs,” aniya.

Binanggit din niya ang isinulat ng yumaong constitutionalist na si Joaquin Bernas na nagbabala sa maling interpretasyon ng quorum, lalo na kung ang ilang miyembro ay wala o hindi makadalo.

“12 is not 13. Alam ng Grade 1 student ‘yan,” dagdag pa niya.

Nauna rito, dumating si Senador Francis “Chiz” Escudero sa plenary hall at nakumpleto ang 12 senador na dumalo sa sesyon, na naging dahilan upang maituloy ang mga deliberasyon ng Mataas na Kapulungan.

Kalaunan, nahalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at idineklarang acting Senate President.