Iginiit ni Senator Pia Cayetano na wala siyang nakikitang problema sa pagbabago ng liderato sa Senado kasunod ng pagkakahalal kay Senator Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President matapos makuha ng bagong mayorya ang 13 boto.
Sa ambush interview noong Miyerkules, Hunyo 17, 2026, ilang oras bago tuluyang mapalitan ang liderato sa Senado, sinabi ni Cayetano na ang mahalaga ay ang pagsunod sa umiiral na batas at alituntunin ng Konstitusyon.
“13 ‘di ba? Common sense ‘di ba? What’s in the rules? What’s in the Constitution? When you have thirteen, yun lang,” pahayag ng senadora.
Dagdag niya, walang magiging problema kung nasusunod ang tamang proseso sa pagpili ng liderato.
“So kung ‘di sumunod sa rules, doon lang naman kami may problema. Pero ‘pag sumunod sa Constitution at sa rules, there’s no problem,” aniya.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag kasunod ng kumpirmasyon ng pagbuo ng bagong mayorya matapos lumipat ng suporta si Senator Joel Villanueva, na nagbigay ng kinakailangang ika-13 boto para maihalal si Gatchalian bilang Senate President.
Nauna rito, nagbitiw si dating Senate President Alan Peter Cayetano sa kanyang puwesto sa pamamagitan ng isang Facebook post matapos umanong makitang may sapat nang bilang ang kabilang panig.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Alan Cayetano na hindi na niya hahadlangan ang pasya ng mayorya.
“After speaking with Sen. Joel Villanueva, it appears our colleagues on the other side will soon have the numbers to elect a new Senate President. I will not stand in the way of that vote,” aniya.
Dagdag pa niya, ang liderato sa isang demokratikong institusyon ay hindi permanente at laging nakabatay sa tiwala ng mga kasamahan.
“No leadership in a democracy is ever permanent; every office we hold is a loan, never a possession,” wika niya.
Matatandaang naupo si Alan Peter Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11 matapos ang pagbabago sa mayorya na nagpatalsik sa dating liderato ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.











