Nagbabala ang isang eksperto sa batas na posibleng humarap sa isang malalang krisis ang Senado kasunod ng magkasunod na dalawang araw na hindi pagdalo ng majority bloc sa sesyon, na nagdulot ng kawalan ng quorum.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi niya na ang hindi pagsipot ng mga mambabatas sa kapulungan ay nagpapahiwatig ng matinding tensyon at lamat sa loob ng lehislatura na maaaring magparalisa sa pagpasa ng mga batas.
Nagsimula ang lamat sa pagitan ng minority at majority bloc nang mag-walkout ang minority bloc sa sesyon ng Senado. Ito ay bilang pagtutol sa tangka ng majority bloc na amyendahan at paluwagin ang umiiral na mga alituntunin o rules ng kapulungan patungkol sa pagboto at pagdalo ng mga senador sa mga sesyon.
Sa ngayon, nananatiling suspendido ang mga mahahalagang talakayan sa Senado habang patuloy na hinahanapan ng solusyon ang nagpapatuloy na hidwaan ng dalawang panig.
Kung titingnan aniya ito sa anggulong legal at pampolitika, ang magandang solusyon dito ay hindi lang basta pilitin silang pumasok, kundi ang paghahanap ng compromise o gitnang rason na pabor sa taumbayan.
Giit niya na dapat pumasok ang majority bloc at ang minority naman ay kailangang sabihin ang tunay na panig sa usapin at hindi lamang walkout ang gagawin para hindi magkaroon ng sesyon.











