--Ads--

Inaasahang aabot sa 5.7 milyong metriko tonelada  ang aangkating bigas ng Pilipinas ngayong 2026, ayon sa United States Department of Agriculture (USDA), dahil sa inaasahang pagbaba ng lokal na produksyon.

Itinaas ng USDA ang kanilang rice import forecast mula 5.6 milyong MT patungong 5.7 milyong MT bunsod ng tumataas na gastos sa produksyon, mababang pagtatanim ng mga magsasaka, at pagbaba ng lebel ng tubig sa mga pangunahing dam.

Ayon sa ahensya, inaasahang aabot lamang sa 12.3 milyong MT ang produksyon ng milled rice ngayong taon, mas mababa kaysa sa naunang pagtatayang 12.4 milyong MT.

Nakapag-angkat na ang bansa ng 2.42 milyong MT ng bigas mula Enero hanggang Hunyo 11, batay sa datos ng pamahalaan.

--Ads--

Nagbabala rin ang USDA na maaaring higit pang maapektuhan ang produksyon ng palay dahil sa mababang antas ng tubig sa mga dam at posibleng pagdating ng katamtaman hanggang malakas na El Niño sa huling bahagi ng taon hanggang unang bahagi ng 2027.