--Ads--

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may malinaw na posibilidad na magsagawa ng joint oil at gas exploration ang Pilipinas at China sa kabila ng matagal nang sigalot ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.

Sa panayam kay Pangulong Marcos nitong Biyernes, sinabi niya na may positibong pag-usad sa usapin habang nagsisikap ang pamahalaan na mapalakas ang seguridad sa enerhiya ng bansa.

Ayon sa Pangulo, lalong naging mahalaga ang paghahanap ng mga bagong mapagkukunan ng langis at gas dahil sa mga nagdaang pagkaantala sa suplay at pagtaas ng presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.

Aniya kasalukuyang tinatalakay ng Pilipinas at China ang mga natitirang isyu, kabilang ang mga kondisyon at patakaran na magiging batayan ng anumang posibleng kasunduan sa joint exploration.

--Ads--

Noong Marso, muling nagsagawa ng mataas na antas ng pag-uusap ang dalawang bansa hinggil sa posibilidad ng kooperasyon sa oil at gas exploration sa South China Sea bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya.

Matagal nang pinag-uusapan ng Pilipinas at China ang posibilidad ng eksplorasyon, kabilang sa Reed Bank, ngunit ilang beses nang naudlot ang mga negosasyon dahil sa magkakaibang pananaw tungkol sa soberanya sa lugar.

Sa kabila ng umiiral na tensyon sa usapin ng teritoryo, nagpahayag ang Pangulo ng kumpiyansa na maipagpapatuloy ng dalawang bansa ang kooperasyong pang-ekonomiya.

Binigyang-diin din ng Pangulo na walang anumang espesyal na kasunduan sa pagitan ng Maynila at Beijing na nag-oobliga sa Pilipinas na humingi ng pahintulot sa China para magsagawa ng resupply missions sa West Philippine Sea o nagsusuko ng anumang karapatan ng bansa sa rehiyon.

Matatandaan na patuloy na inaangkin ng China ang halos buong West Philipine Sea sa kabila ng desisyon ng international arbitral tribunal noong 2016 na nagpawalang-bisa sa pag-aangkin nito sa karagatan batay sa kasong isinampa ng Pilipinas.