--Ads--

Kinuwestyon ng Office of the Ombudsman ang pinahabang medical leave ni Senador Loren Legarda, na tinawag nitong “kaduda-duda” o “suspicious” kasabay ng dalawang buwang travel authority ng kanyang anak na si Batangas Representative Leandro Leviste habang kapwa nahaharap sa mga reklamong plunder at graft.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ikatlo o ikaapat na umano ang extension ng travel authority ni Legarda para sa medical reasons, na umabot hanggang ngayong araw, Agosto 19. Sinabi niyang nais ng Ombudsman na maging maingat dahil may nakabinbing kaso laban sa mag-ina.

Samantala, sinabi ni Clavano na humingi naman si Leviste ng dalawang buwang travel authority mula Hulyo 26 hanggang Setyembre 24 at naglahad ng ilang bansang nais nitong puntahan.

Nasa preliminary investigation stage na ang mga reklamo laban kina Legarda, Leviste at dating Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga solar power contracts.

--Ads--

Samantala, mariin namang itinanggi ng Senadora ang paratang ng Ombudsman at iginiit na ang kanyang medical leave ay isinampa alinsunod sa mga patakaran ng Senado.

Sinabi ng senadora na wala siyang nilabag at hindi niya hahayaang masira ang kanyang rekord sa mahigit tatlong dekada ng serbisyo publiko dahil sa mga aniya’y walang basehang akusasyon. Tiwala rin umano siyang lalabas ang katotohanan at mapatutunayang wala silang kasalanan.