CAUAYAN CITY – Isang lalaki sa India ang nakapagtala ng bagong world record dahil sa kakayahan nitong mag-type sa keyboard gamit ang kanyang ilong.
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Record na si Vinod Kumar Chaudhary, 44 anyos, ang nananatiling record holder ng titulong “Fastest Time to Type the Alphabet with the Nose” matapos magtype 26 alphabet sa loob ng 26.73 seconds gamit lamang ang kanyang ilong.
Noong 2023, unang nakuha ni Vinod ang naturang titulo sa record na 27.8 seconds. Pero dahil gusto niyang higitan pa ito, nag-record attempt siya ulit ngayong 2024. Bukod dito, hawak din ni Vinod ang world record title na “Fastest Time to Type the Alphabet Backward (single hand)” na may record na 5.36 seconds at “Fastest Time to Type the Alphabet with Hands Behind the Back” na may record na 6.78 seconds.
Nagtatrabaho si Vinod bilang computer operator sa Jawaharlal Nehru University School of Environmental Sciences kaya sanay siya sa mabilisang paggamit ng keyboard.