Isang kakaibang “puppy playdate” ang itinampok kamakailan ng Guinness World Records nang magsama sa unang pagkakataon ang pinakamataas at pinakamaliit na aso sa buong mundo.
Nagtagpo sa isang bahay sa Idaho, U.S.A. sina Reginald, isang 7-taong gulang na Great Dane na may taas na 3 feet, 3 inches, at Pearl, isang 4-na-taong gulang na Chihuahua na may taas lamang na 3.59 inches.
Bagamat tila imposibleng magkaibigan dahil sa laki ng agwat sa sukat, agad na nagkaayos ang dalawa sa kanilang unang pagkikita.
Ayon kay Sam, may-ari kay Reginald, bagamat dambuhala ang kanyang pet, para lamang itong sanggol sa kilos at ugali.
Hindi rin nagpahuli si Pearl sa pagpapakita ng tapang. Kuwento ng kanyang amo na si Vanessa Semler, sanay si Pearl na makisalamuha sa mas malalaking aso.
Sa kanilang pagkikita sa sofa ng bahay ni Reginald, naging maayos agad ang pakikitungo ng dalawang aso sa isa’t isa.
Sa kabila nang malinaw na pagkakaiba sa taas, napagkasunduan ng dalawang amo na mas marami silang pagkakatulad kaysa sa pagkakaiba.