--Ads--

Naghain ng petisyon ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) para sa dagdag-pamasahe sa gitna ng patuloy na mataas na presyo ng produktong petrolyo na labis na nagpapabigat sa gastusin ng mga tsuper at operator.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mody Floranda, President ng PISTON, sinabi nito na humihiling sila ng dagdag na ₱10 na pamasahe upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo.

Ayon kay Floranda, bagamat may mga rollback sa presyo ng petrolyo, hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang kabuuang pagtaas na kanilang dinaranas sa mga nakaraang buwan.

Aniya, sa kasalukuyan ay umaabot pa sa mahigit ₱120 kada litro ang diesel sa ilang lugar tulad ng National Capital Region, habang mas mataas pa ito sa ibang rehiyon.

--Ads--

Dahil dito, lumobo na umano ang arawang gastusin ng mga tsuper kung saan umaabot na sa libo-libong piso ang kanilang inilalabas, habang halos wala nang naiuuwing kita para sa kanilang pamilya.

Dagdag pa ni Floranda, may mga tsuper na kumikita na lamang ng ₱75 hanggang ₱100 matapos ang 12 hanggang 16 oras na pamamasada dahil napupunta ang kita sa krudo at iba pang gastusin tulad ng piyesa.

Iginiit ng PISTON na ang kanilang petisyon ay dumaan sa masusing pag-aaral at konsultasyon sa iba’t ibang transport groups upang matiyak na makatwiran ang hinihinging dagdag-pamasahe.

Gayunman, nilinaw nito na nasa kamay pa rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pinal na desisyon kung magkano ang aprubadong taas-pasahe.

Sa kabila nito, nanindigan ang grupo na napapanahon na ang dagdag-pamasahe upang matulungan ang mga tsuper na makabangon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing gastusin.