--Ads--

Nanawagan ang hanay ng Cauayan City Component Police Station sa mga motorista, lalo na sa mga dumaraan sa pambansang lansangan sa lungsod ng Cauayan, na makiisa sa pinaigting na kampanya sa road safety.

Ito ay kasunod ng mga natatanggap na reklamo ng kanilang tanggapan hinggil sa umano’y madalas at tuloy-tuloy na pagsasagawa ng checkpoint at inspeksyon sa mga sasakyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi niyang bahagi lamang ito ng direktiba ng Road Safety Council ng Isabela matapos maitala ang mataas na bilang ng vehicular accidents sa lalawigan.

Ayon sa hepe, hindi lamang sa lungsod ng Cauayan ipinatutupad ang pinaigting na road safety operations kundi maging sa iba pang bayan sa Isabela.

--Ads--

Dagdag pa niya, katuwang ng Philippine National Police sa operasyon ang Isabela Highway Patrol Group at ang Public Order and Safety Division ng mga lokal na pamahalaan.

Nilinaw ni PLt. Col. Canceran na kung kumpleto ang dokumento ng mga motorista, wala silang dapat ipangamba sakaling sila ay mapara sa checkpoint.

Hiniling din niya ang pang-unawa ng publiko at huwag ituring na abala ang mga operasyon, dahil layunin lamang nito na mabawasan ang bilang ng mga aksidente sa kalsada at masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Batay sa tala ng PNP at ng Road Safety Council, mula nang ipatupad ang pinaigting na kampanya ay nakapagtala na ng pagbaba sa bilang ng mga vehicular accident sa buong lalawigan ng Isabela.