Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na wala silang natatanggap na impormasyon o ulat hinggil sa umano’y banta sa buhay ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon matapos sabihin ni Duterte na nangangamba siya sa kaniyang kaligtasan at sa kaniyang pamilya.
Wala rin umanong rekord na nagsampa o nag-ulat ang Bise Presidente sa alinmang himpilan ng pulisya kaugnay ng sinasabing banta.
Tiniyak naman ni Nartatez na handang imbestigahan ng PNP ang anumang dokumento o ulat ng pananakot, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng beripikasyon.
Samantala, sinabi ng PNP na may mga pulis na tumulong sa seguridad ni Duterte nang maghain ito ng piyansa sa Quezon City RTC nitong Sabado kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats.











