Arestado ang isang High Value Individual (HVI) at isang Street Level Individual (SLI) matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Ilagan Component City Police Station (CCPS) sa Brgy. Imelda Bliss Village, City of Ilagan, Isabela madaling araw ng Agosto 2.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Bonie,” 33-anyos, construction worker at residente ng naturang barangay na kabilang sa High Value Individuals, at alyas “Rhea,” 31-anyos, private employee at residente ng Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela na kabilang naman sa Street Level Individuals.
Bandang alas-12:07 ng madaling araw nang magsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2), na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na ₱3,400, isang gramo ng hinihinalang marijuana na may SDP na ₱120, isang improvised pipe na may residue, buy-bust money, dalawang cellphone, lighter, personal cash, at isang motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Ilagan CCPS ang dalawang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Isabela Police Provincial Office Provincial Director PCOL Manuel B. Bringas ang matagumpay na operasyon at muling iginiit ang matatag na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa lalawigan.
Patuloy rin ang panawagan ng Isabela Police Provincial Office sa publiko na makiisa sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mapanatili ang ligtas, mapayapa, at drug-free na komunidad.











