Pagkilala sa dedikasyon at natatanging serbisyo ng mga guro at school head ang tampok sa 2026 World and National Teachers’ Month and Day Celebration na pinangunahan ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City sa F.L. Dy Coliseum nitong Oktubre 17.
Isinagawa ang pagdiriwang na may temang “Teacher, Ikaw Naman,” kung saan ginawaran ng Gawad Kawayan 2026 ang mga natatanging guro, punong-guro at iba pang kawani ng edukasyon.
Kabilang sa mga pinarangalan si G. Jun Flores, Principal I ng Nagrumbian Elementary School, na tumanggap ng Most Outstanding Elementary School Head Award.
Ayon kay Flores, matagal na niyang pangarap na makilala bilang huwarang punong-guro. Ito ang kauna-unahang pagkakataong natanggap niya ang naturang parangal sa loob ng pitong taon niyang panunungkulan bilang school head. Umaasa rin siyang sa mga susunod na pagdiriwang ay mabibigyang-pagkilala ang kaniyang mga kapwa guro.
Kabilang din sa mga kategorya ng parangal ang Most Outstanding Elementary Teacher, Most Outstanding Secondary Teacher, Most Outstanding Elementary Master Teacher at Most Outstanding Secondary Master Teacher.
Kinilala rin ang mga natatanging school head, supervisor at guro na naglilingkod sa mga programang Alternative Learning System (ALS), Indigenous Peoples Education at Special Needs Education.
Samantala, binigyang-diin ni Assistant Regional Director Florante Vergara ang kahalagahan ng taunang pagdiriwang bilang pagkilala sa malaking ambag ng mga guro sa edukasyon, sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City.
Idinagdag ni Vergara na kabilang sa mga hakbang para sa propesyonal na pag-unlad ng mga guro ang Expanded Career Progression, na nagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa kanilang pagsulong sa karera.










