--Ads--

Nanganganib na pansamantalang ipasara ang isang pribadong poultry farm sa Barangay Manaoag, Cauayan City matapos itong isyuhan ng Notice of Violation ng lokal na pamahalaan dahil sa matinding perwisyo ng mga langaw.

Personal na ininspeksyon ni Sangguniang Panlungsod Member at Committee Chairman on Health Paolo Eleazar “Miko” Delmendo ang naturang pribadong poultry farm sa Barangay Manaoag.

Kasunod ito ng patuloy na reklamo ng mga residente sa lugar, maging sa mga kalapit na sitio, dahil sa dagsa ng mga langaw na nakakaapekto na sa kanilang kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Miko Delmendo, kinumpirma niyang naisilbi na ang Notice of Violation sa pamunuan ng poultry farm.

--Ads--

Nangako naman umano ang may-ari nito na tatalima sila sa mga patakaran sa loob ng ibinigay na palugit ng LGU Cauayan.

Ayon pa kay Delmendo, muling magsasagawa ng assessment at monitoring ang LGU sa susunod na harvesting ng poultry farm upang matiyak kung nakasunod nga ba ang negosyo sa kanilang ipinangakong compliance.

Tiniyak naman ng opisyal sa mga apektadong residente na walang ibang magiging hakbang ang konseho kundi ang pansamantalang pagpapasara sa naturang poultry farm sakaling mabigo itong sumunod sa itinakdang panahon.

Naiparating na rin umano ang usaping ito kay Cauayan City Mayor Jaycee Dy, na sumang-ayon naman sa magiging desisyon ng Sangguniang Panlungsod.