Panibagong karangalan para sa musikang Pilipino matapos makumpirmang kabilang ang Filipino boy group na SB19 sa performers ng prestihiyosong Coachella Valley Music and Arts Festival 2027 sa California, United States.
Nakatakdang magtanghal ang grupo sa ikalawang araw ng festival sa bawat weekend, kung saan kabilang din sa mga performers ang Tame Impala, Phoebe Bridgers, Weezer, Tiesto, Martin Garrix, NCT at Leon Bridges.
Gaganapin ang Coachella 2027 sa Abril 9 hanggang 11 at Abril 16 hanggang 18, tampok ang mga pangunahing performers na sina Dua Lipa, Tame Impala at SZA.
Ibinahagi rin ng SB19 ang kanilang pagkakasama sa lineup sa pamamagitan ng social media post at nagpahayag ng pananabik na makapagtanghal sa naturang international music festival.
Itinuturing itong panibagong malaking hakbang para sa P-pop matapos ang makasaysayang pagtatanghal ng kapwa Filipino group na BINI sa Coachella ngayong taon.
Matatandaang nagtanghal din ang SB19 sa Lollapalooza sa Chicago, United States, ilang buwan matapos ang international festival appearance ng BINI.
Inaasahang higit pang mapapalawak ng kanilang paglahok sa Coachella ang pagkilala sa musikang Pilipino at sa talento ng mga lokal na artist sa international music scene.











