--Ads--

Posibleng umabot hanggang Huwebes, Hunyo 25, ang pre-trial proceedings para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang suriin at markahan.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng kampo ng depensa ng Bise Presidente, nasa proseso pa rin sila ng pagmamarka ng mga dokumentong maaaring iharap bilang ebidensya sa paglilitis.

Sinabi ni Poa na marami pang rekord ang kailangang ayusin at repasuhin kaya inaasahang magpapatuloy pa ang pre-trial proceedings sa mga susunod na araw.

Kabilang sa mga dokumentong sinusuri ang mga ulat mula sa Commission on Audit (COA), mga acknowledgment receipt, Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at iba pang rekord na nauna nang naisumite sa House Committee on Justice.

--Ads--

Karamihan sa mga ito ay may kaugnayan sa mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga isyu hinggil sa diumano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Gayunman, nilinaw ni Poa na ang pagmamarka ng mga dokumento ay hindi nangangahulugang kinikilala o tinatanggap ng depensa ang mga ito bilang lehitimo at katanggap-tanggap na ebidensya.

Aniya, layunin lamang ng proseso na maayos na matukoy at maitala ang bawat dokumento bago magsimula ang aktuwal na paglilitis.

Umaasa naman ang parehong depensa at prosekusyon na agad matatapos ang pre-trial proceedings upang magkaroon ng sapat na panahon ang magkabilang panig na makapaghanda para sa impeachment trial.

Nakatakdang simulan ang impeachment trial ni Sara Duterte sa Hulyo 6, kung saan magsisilbing impeachment court ang Senado.