--Ads--

Inaasahang matatapos sa Lunes (Hunyo 22) o Martes (Hunyo 23) ang pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecutor Chel Diokno ng Akbayan Party-list nitong Linggo.

Opisyal na nagsimula ang pre-trial noong Huwebes, Hunyo 18, at ito ay nagsisilbing paunang pagpupulong ng magkabilang panig bago pormal na magtipon ang mga senador-hukom bilang impeachment court sa Hulyo 6.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong impeachment kabilang ang culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang mabibigat na paglabag. Noong Mayo, siya ay muling na-impeach ng House of Representatives sa ikalawang pagkakataon.

Tiniyak ni Diokno na hindi maaapektuhan ng pagmamarka ng ebidensya ang takbo ng impeachment trial, na itinakdang magpapatuloy sa Hulyo 6.

--Ads--

Gayunman, sinabi niya na nananatiling “open question” ang bilang ng boto na kailangan upang mahatulan ang isang impeached official.

Ayon sa 1987 Constitution, walang sinumang maaaring mahatulan nang walang boto ng dalawang-ikatlo o 2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado.

Samantala, patuloy ding tinatalakay ang mga isyu sa ilang senador. Si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay sinasabing nagtatago matapos maglabas ang International Criminal Court ng warrant of arrest kaugnay ng paratang na may kinalaman siya bilang indirect co-perpetrator sa crimes against humanities, partikular sa mga kaso ng pagpatay na iniuugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Senador Jinggoy Estrada naman ay kasalukuyang nakakulong sa Quezon City Jail matapos ipag-utos ng Sandiganbayan Fifth Division ang kanyang pag-aresto kaugnay ng kasong plunder na may kaugnayan umano sa iregularidad sa paggamit ng pondo para sa mga flood control project.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng kampo ni Duterte na nagkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan sa pre-trial conference, ngunit iginiit nilang walang tensyon sa pagpupulong.

Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Duterte, naging maayos ang pre-trial conference na nagsimula noong araw na iyon.

Sinabi rin niya na magpapatuloy ang pre-trial brief ng defense team at ng mga House prosecutor sa Lunes, Hunyo 22, alas-9 ng umaga. Bagama’t hindi pa natatapos ang pagmamarka ng mga dokumentaryong ebidensya, sinabi niyang nananatili silang nasa iskedyul para sa pagsisimula ng impeachment trial.

Pormal na binuo ng Senado ang impeachment court noong Mayo 18.

Noong Hunyo 1, naghain ang kampo ni Duterte ng kanilang sagot sa Articles of Impeachment at hiniling na ibasura ang kaso laban sa kanya.