Patuloy na tumataas ang presyo ng bigas sa bansa kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis at pangamba sa suplay dulot ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa mga industry sources, tumaas ng halos P2 kada kilo ang presyo ng bigas matapos ang unang bugso ng oil price hike noong nakaraang linggo.
Batay sa datos ng Department of Agriculture at Philippine Statistics Authority o PSA ang kasalukuyang wholesale price ng premium rice nationwide ay P52.37/kilo ito na ang pinakamataas mula Enero 2025, ang retail price ng well-milled rice ay P53.54/kilo noong Pebrero na tumaas ng P3.3 mula simula ng taong kasalukuyan habang ang presyo ng imported rice ay P52–P60/kilo depende sa bagsak presyo ng wholesale.
Ayon kay Orly Manuntag ng Grains Retailers Confederation, hindi sapat ang 850,000 MT na imported rice sa unang dalawang buwan ng taon kumpara sa 1.1M MT na buwanang pangangailangan.
Dagdag pa niya, kahit bumaba ang presyo ng Vietnamese rice, hindi ito nakapagpababa ng retail prices dahil sa iba’t ibang gastos.
inihayag naman ni Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers naman ay nagsabing ang pagtaas ay dulot ng “speculations” sa transport costs at posibleng pagbaba ng ani kung tataas ang presyo ng abono.
Matatandaan na upang maibsan ang epekto sa mga mamimili, ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang P20/kilo rice program para sa Vulnerable sectors kabilang ang PWDs, senior citizens, 4Ps, solo parents na limitado hanggang 30 kilos kada buwan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sapat ang buffer stocks at tuloy-tuloy ang paggiling ng palay ng National Food Authority. Pinayuhan niya ang publiko na huwag mag-panic buying dahil maaari lamang itong magpalala ng sitwasyon.











