Nagbabadyang muli ang malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan dulot ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Batay sa unang tatlong araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore, inaasahang tataas ng P4.70 kada litro ang diesel, P4.90 kada litro ang gasolina at P3.30 kada litro naman ang kerosene.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, posible pang lumaki ang magiging dagdag-presyo sa nalalabing dalawang araw ng trading dahil wala pang senyales ng pagluwag ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Bellas na kung lalampas sa P5 kada litro ang taas-presyo, maaaring umabot sa mahigit P90 kada litro ang diesel mula sa kasalukuyang nasa P85 hanggang P86 kada litro.
Posible rin aniyang lumampas sa P80 kada litro ang presyo ng gasolina mula sa kasalukuyang nasa paligid ng P78 kada litro.
Nagbabala rin si Bellas na kung lalo pang lalala ang sigalot sa rehiyon sa mga susunod na linggo, maaaring muling umabot sa P100 kada litro ang diesel, katulad ng mga naitalang mataas na presyo noong kasagsagan ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Patuloy namang umiigting ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos magbabala ang Estados Unidos na targetin ang ilang tulay at power plants ng Iran kung aatakihin ng Tehran ang mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.
Kasabay nito, tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos ianunsyo ng Houthi rebels na kanilang inatake ang dalawang oil tanker ng Saudi Arabia sa Red Sea.
Dahil dito, umakyat sa $98.80 kada bariles ang presyo ng Brent crude oil habang sumipa naman sa $90.11 kada bariles ang West Texas Intermediate, na nagdulot ng panibagong pangamba sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.











