--Ads--

Posibleng makaranas ng malaking bawas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) ang mga konsyumer sa susunod na buwan matapos bumaba ang contract price ng cooking gas sa pandaigdigang merkado kasunod ng pagluwag ng tensyon sa Middle East.

Ayon sa mga ulat, bumagsak ng humigit-kumulang $200 kada metric ton ang contract price ng LPG. Kung magpapatuloy ang pagbaba nito hanggang Hunyo 30, maaaring umabot sa halos ₱12 kada kilo ang magiging rollback, katumbas ng tinatayang ₱132 na bawas sa presyo ng bawat 11-kilogram na tangke.

May ilang kumpanya ng LPG na posibleng mag-anunsyo ng price rollback bago sumapit ang Hulyo 1. Sa Pilipinas, karaniwang inaayos ang presyo ng LPG isang beses lamang kada buwan, tuwing unang araw ng buwan.

Sa kabila ng sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng LPG nitong mga nakaraang buwan—mula sa halos ₱1,600 kada tangke hanggang sa pagitan ng ₱1,150 at ₱1,300—marami pa ring mamimili ang nagsasabing mabigat pa rin ito sa kanilang budget.

--Ads--

Kung magpapatuloy ang pagbaba ng contract price sa pandaigdigang merkado, inaasahang maaaring bumaba pa ang retail price ng LPG sa humigit-kumulang ₱1,000 hanggang ₱1,400 kada 11-kilogram na tangke, depende sa lokasyon at presyo ng bawat supplier.