--Ads--

Hiniling ng prosekusyon sa impeachment court na ipatawag si Vice President Sara Duterte bilang testigo sa ikalawang araw ng kanyang impeachment trial kaugnay ng artikulong tumatalakay sa umano’y assassination plot, grave threats, at inciting to sedition laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Sa pagdinig ngayong Martes, sinabi ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na mahalagang makuha ang testimonya ng Bise Presidente dahil siya ang pangunahing personalidad na sangkot sa isyung tinatalakay ng impeachment court.

Binanggit ni Kapunan na nakita si Duterte sa Senado bago magsimula ang pagdinig at sa maikling pahayag nito sa media ay sinabi niyang, “I will be bloodied but unbowed,” ngunit hindi na ito sumagot sa iba pang katanungan ng mamamahayag.

Gayunman, nilinaw ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero na hindi obligado ang respondent na dumalo sa mga pagdinig at kinakailangan munang magsumite ng pormal na kahilingan ang prosekusyon bago ito mapagpasyahan ng korte.

--Ads--

Inaasahang tatalakayin sa pagdinig ang Article 4 ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa mga naging pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kabilang sa mga inaasahang tumestigo sa impeachment court sina mga ahente ng National Bureau of Investigation na sina Jeremy Lotoc at John Mark Calilung, gayundin si Captain Belinda Bello ng House of Representatives Office of the Sergeant-at-Arms.

Matatandaang in-impeach ng House of Representatives of the Philippines si Duterte noong Mayo dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen. Samantala, naghain naman ang kampo ng Bise Presidente ng sagot sa Articles of Impeachment noong Hunyo 1 at hiniling na ibasura ang kaso laban sa kanya.