--Ads--

Hindi nakalusot sa pinaigting na manhunt operation ng kapulisan ang isang Provincial Most Wanted Person matapos itong maaresto sa bisa ng Warrant of Arrest sa Brgy. Minabbag, Quezon, Isabela.


Kinilala ang naarestong akusado sa alyas na “Maynard,” 45 taong gulang, binata, elementary undergraduate, construction worker, at residente ng nasabing bayan. Siya ay nakapuwesto bilang No. 6 Provincial Most Wanted Person ng Isabela.


Matagumpay na ipinatupad ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Santa Maria Municipal Police Station, sa pangunguna ni PMAJ JOSE TORRIJOS, Chief of Police, katuwang ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit-Isabela Police Provincial Office (PIU-IPPO) at Regional Intelligence Division 2 (RID 2), ang warrant laban sa akusado.


Ang nasabing Warrant of Arrest ay may petsang Hulyo 30, 2026, at inilabas ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 22, Cabagan, Isabela, kaugnay sa kasong Murder, na walang inirekomendang piyansa.

--Ads--


Matapos ang matagumpay na implementasyon ng warrant, dinala ang akusado sa Santa Maria MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pansamantalang kustodiya bago ang kanyang turnover sa korte na nagpalabas ng warrant.