--Ads--

Nagbabala ang isang psychologist hinggil sa posibleng negatibong epekto sa kabataan ng naging pahayag ni Senador Robinhood Padilla na tinawag umanong “weak” at “crying babies” ang henerasyon ng mga kabataan ngayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Adom Agoot, ipinaliwanag niya na ang paggamit ng salitang “weak” ay maaaring magkaroon ng sikolohikal na epekto sa mga kabataan dahil nagiging isang label ito na maaaring makaapekto sa kanilang pagtingin sa sarili.

Ayon kay Dr. Agoot, may tinatawag na “self-fulfilling prophecy” kung saan ang isang tao ay maaaring maisabuhay ang madalas na idinidikit o sinasabi sa kanya. Dahil dito, mahalaga aniya na maging maingat sa pagbibitiw ng salita, lalo na kung ito ay nagmumula sa isang public official na pinakikinggan at tinitingala ng publiko.

Sinabi rin ng psychologist na ang ganitong pahayag ay maaaring makaapekto sa psychological at emotional well-being ng mga kabataan, partikular sa mga nakararanas ng mental health concerns. Aniya, mas madalas nang nababanggit sa kasalukuyan ang depresyon hindi dahil ito ay bagong kondisyon, kundi dahil mas nagiging bukas ang talakayan ukol dito bunsod ng mga adbokasiya at panukalang batas sa bansa.

Binigyang-diin ni Dr. Agoot na matagal nang umiiral ang depresyon at hindi nakatutulong ang pagbibigay ng negatibong label sa kabataan. Sa halip, mas makabubuting maglatag ng mga sustainable solution, ordinansa, at programa na susuporta sa mental health at kabuuang kapakanan ng mga kabataan.

Tungkol naman sa paggamit ng terminong “crying babies,” sinabi ni Agoot na ang pag-iyak ay hindi tanda ng kahinaan kundi maaaring pagpapakita ng kakayahang kilalanin at tanggapin ang sariling emosyon.

Pinaalalahanan din niya ang publiko, lalo na ang mga dumaraan sa emosyonal at mental na suliranin, na piliing tulungan ang sarili. Huwag mag-atubiling humingi ng tulong at suporta kung kinakailangan.