--Ads--

Isinailalim sa preventive suspension ang isang punong barangay sa Echague, Isabela matapos irekomenda ng Sangguniang Bayan kaugnay ng reklamong umano’y maling paggamit ng pondo ng barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Echague Mayor Faustino “Inno” Dy V, sinabi niya na siya ang lumagda sa preventive suspension order noong nakaraang linggo upang bigyang-daan ang mas maayos at patas na imbestigasyon.

Ayon sa alkalde, nagmula ang reklamo sa ilang grupo na nagsasabing may mga barangay personnel na nasa opisyal na payroll ngunit hindi umano natatanggap ang kanilang honorarium sa loob ng tinatayang 15 buwan.

Dagdag pa ni Mayor Dy, may mga sinumpaang salaysay o affidavit ang ilang complainant na nagpapatunay na hindi nila natatanggap ang kanilang sahod, kahit sila ang nakatalagang opisyal sa barangay.

--Ads--

Samantala, depensa umano ng kampo ng barangay captain na ang pondo ay naibigay sa ibang indibidwal na nagsilbi rin sa barangay, kabilang ang ilang barangay tanod at iba pang manggagawa. Gayunman, binigyang-diin ng alkalde na dapat mapunta ang sahod sa mga opisyal na nakapaloob sa opisyal na payroll.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na bibigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na marinig sa isinasagawang imbestigasyon ng Sangguniang Bayan, kabilang ang barangay captain at iba pang sangkot.

Ayon kay Mayor Dy, ito ang kauna-unahang pagkakataon mula nang siya ay maupo sa pwesto na may pormal na reklamong natanggap ang kanilang tanggapan hinggil sa ganitong usapin.

Nanawagan naman ang alkalde sa mga opisyal ng barangay na sundin ang tamang proseso at paggamit ng pondo ng gobyerno, at tiniyak na papanagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas.