--Ads--

Nasawi ang isang pulis matapos umanong saksakin ng isang suspek habang umaawat sa gulong naganap sa isang sari-sari store sa Barangay San Marcos, Cabarroguis, Quirino noong gabi ng Hulyo 31, 2026.

Kinilala ang biktima na si PSMS Zaldy Castillo Dela Peña, 42-anyos, na nakatalaga sa Quirino Police Provincial Office Headquarters.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo sa tindahan ang dalawang suspek upang bumili ng alak ngunit hindi pinagbigyan ng may-ari dahil lampas na umano sa curfew hours.

Dahil dito, nagkaroon ng kaguluhan sa lugar at nagtangkang mamagitan si Dela Peña na noo’y off-duty at kasalukuyang kumakain sa tindahan.

--Ads--

Sa gitna ng komosyon, umano’y bumunot ng patalim ang isa sa mga suspek at sinaksak ang pulis sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo patungong bayan ng Diffun.

Isinugod pa sa Quirino Provincial Medical Center ang biktima ng mga rumespondeng rescuer ngunit idineklara siyang dead on arrival ng doktor.

Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad at nagpalabas ng flash alarm upang mapabilis ang pagdakip sa mga suspek.Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang tinutugis ang mga sangkot sa krimen.