Pumanaw nitong Martes ng gabi, Setyembre 15, si Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua sa edad na 48, ayon sa kanyang mga kaibigan at empleyado. Wala pa ring inilalabas na opisyal na detalye ang kanyang pamilya at provincial government tungkol sa sanhi ng kanyang pagpanaw.
Dalawampu’t limang taon siyang nagsilbi sa publiko. Nagsimula siya bilang vice governor noong 2001 sa edad na 23, naging gobernador mula 2007 hanggang 2010, kinatawan ng Lone District ng Quirino mula 2010 hanggang 2019, at muling naging gobernador noong 2019 hanggang sa kanyang pagpanaw.
Sa kanyang termino sa Kongreso, naging chairman siya ng House Committees on Ecology at Ways and Means, at senior vice chairperson ng ilang komite. Naging bahagi rin siya sa pagsusulong ng mga batas gaya ng TRAIN Law at Rice Tariffication Law.
Bago ang kanyang pagpanaw, nagsilbi rin si Cua bilang national president ng Union of Local Authorities of the Philippines at national chairman ng League of Provinces of the Philippines. Siya rin ang kasalukuyang president ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific para sa 2025 hanggang 2027.
Alinsunod sa Local Government Code, hahalili bilang gobernador si Vice Governor Julius Caesar “Jojo” Vaquilar upang tapusin ang natitirang termino ni Cua.











