Natagpuan na ng mga search team sa Pakistan ang mga bangkay ng apat na mountaineer matapos mawala ang hindi bababa sa 10 climber kasunod ng pinaniniwalaang pagguho ng avalanche sa Broad Peak sa hilagang bahagi ng bansa.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad upang marertrieve ang mga labi ng apat na nasawi sa kabila ng masamang lagay ng panahon sa lugar.
Ayon kay Sajid Hussain, deputy director ng tourism department ng Gilgit-Baltistan, nakatuon na ngayon ang paghahanap sa natitirang anim na nawawala sa isang liblib at mahirap marating na lugar sa kabundukan.
Kabilang sa mga nawawala ang kilalang Nepali mountaineer na si Nirmal Purja o mas kilala bilang “Nims Dai,” na may hawak ng rekord sa pinakamabilis na pag-akyat sa 14 na pinakamataas na bundok sa buong mundo.
Ayon sa Alpine Club of Pakistan (ACP), nawalan ng komunikasyon ang buong grupo matapos silang tamaan ng avalanche habang nasa isang climbing expedition sa Broad Peak, ang ika-12 pinakamataas na bundok sa mundo na may taas na 8,047 metro.
Binubuo ang grupo ng 10 katao kabilang ang limang Nepali climber, Pakistani mountaineer na si Sohail Sakhi, isang climber mula Oman, isang Amerikano, at isang Chinese climber. May ulat din ang pulisya na dalawang British nationals ang kabilang sa mga nawawala.
Sinabi ng ACP na ginagawa na ang lahat ng posibleng hakbang upang maipadala ang helicopter support at iba pang rescue resources sa lugar, depende sa lagay ng panahon at kondisyon ng operasyon.
Samantala, nagpahayag naman ang China na nakikipag-ugnayan na ito sa mga awtoridad upang alamin ang sitwasyon at handang magbigay ng kinakailangang tulong sa Pakistan.
Si Purja, 43-anyos, ay kilala sa mundo ng mountaineering matapos maakyat ang lahat ng 14 na bundok na may taas na higit sa 8,000 metro sa loob lamang ng anim na buwan at anim na araw noong 2019. Noong 2021, naging bahagi rin siya ng unang grupong matagumpay na nakaakyat sa K2 sa panahon ng taglamig.





