--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinawag ng Regional Manager ng National Food Authority o NFA region 2 na unfair ang naging pahayag ni Agriculture William Dar sa ginanap na launching sa Isabela ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na may palakasan system at under the table sa pagbili ng palay.

Ang launching ng RCEF sa Isabela ay ginanap noong Sabado, Oktubre 12, 2019 sa Roxas Astrodome sa Roxas, isabela at dinaluhan din ni Senador Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Food and Agriculture.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Manager Rocky Valdez ng NFA region 2, sinabi niya na nagulat siya sa naging pahayag ni kalihim Dar na may palakasan system sa NFA.

Posible aniyang may katotohanan ang sinabi ng kalihim subalit ito ay sa mga nakalipas ng panahon.

--Ads--

Tiniyak niya na walang suki o palakasan system sa ikalawang rehiyon.

Bilang patunay ayon kay Regional Manager Valdez, mula noong Enero hanggang ngayong Oktubre ay nakabili na sila ng 1.5 million bags mula sa mahigit labindalawang libong magsasaka sa rehiyon.

Hinikayat niya ang mga magsasaka na tulungan sila para matiyak na walang nangyayaring palakasan system sa rehiyon.

Aniya, makipag-ugnayan lamang sila sa kanilang tanggapan kung mayroon silang nalalaman para alam nila kung saang lugar ang kanilang aaksiyunan.

Nilinaw ni Regional Manager Valdez ya na hindi masama ang kanyang loob sa naging pahayag ni Kalihim Dar kundi tinawag lamang niya itong unfair dahil wala namang nangyayaring palakasan system sa rehiyon dos.

Iminungkahi rin niya na mas mabuti na lamang na tukuyin ang mga lugar na may ganitong sistema para hindi madamay ang mga empleyado ng NFA na walang ginagawang illegal.

Ang tinig ni Regional Manager Rocky Valdez ng NFA region 2