Magsasampa na ng pormal na reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay dating Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor kaugnay ng ni-raid na KTV bar at hotel kamakailan.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, sasampahan ng kasong human trafficking ang dating mambabatas. Nakatakdang ihain ang reklamo sa Pasig City Prosecutor’s Office sa Biyernes, Hunyo 26.
Ipinaliwanag ni Matibag na bahagyang naantala ang pagsasampa ng kaso dahil kinailangan pang masusing suriin ng NBI ang naging partisipasyon ni Defensor sa operasyon ng naturang establisyimento.
Sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng NBI na nakakalap sila ng matitibay na ebidensyang nag-uugnay kay Defensor sa umano’y mga ilegal na aktibidad sa loob ng KTV bar at hotel.
Mariing iginiit ni Matibag na may kaalaman umano ang dating kongresista sa operasyon ng hinihinalang human trafficking sa establisyimento.
Bilang suporta sa kanilang alegasyon, ipinakita ng NBI ang ilang ebidensya, kabilang ang blueprint ng gusali, na ayon sa kanila ay binago ang disenyo upang umangkop umano sa mga ilegal na gawain na isinasagawa sa loob ng establisyimento.











