Ligtas nang nakabalik sa bansa ang dalawampu’t dalawang Pilipinong biktima ng human trafficking mula sa Cambodia matapos ang repatriation na pinangasiwaan ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan at tulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang Pilipinong nasa krisis.
Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, agad silang sumailalim sa medical assessment at assistance mula sa medical team ng airport.
Nagbigay rin ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration ng transportasyon at pansamantalang matutuluyan, habang nakatakdang magbigay ng legal at welfare assistance ang Department of Migrant Workers at Inter-Agency Council Against Trafficking.
Ayon sa ulat, ang matagumpay na repatriation ay resulta ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Philippine Embassy sa Phnom Penh, para masiguro ang ligtas na pagbabalik at tulong sa mga biktima tungo sa kanilang muling pagbangon.











