Mariing pinabulaanan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pahayag ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced” o pinutol-putol ang CCTV footage na iniharap nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa publiko kaugnay sa umano’y insidente ng pag-atake sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Ayon kay Remulla, malinaw na may time stamp ang lahat ng footage kaya imposible umano itong ma-edit o maputol. Dagdag pa niya, direkta itong nakuha mula sa CCTV cameras at servers ng Senado.
Samantala, ipinunto rin ng Malakanyang na mismong mula sa Senado nagmula ang mga CCTV footage na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG), taliwas sa alegasyon ni Aplasca na minanipula ang mga ito.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na anumang iba pang ebidensya na hawak ng Senado ay kakailanganin ding suriin ng DILG, Department of Justice (DOJ), at Office of the Ombudsman upang mabatid ang buong katotohanan sa insidente.
Nauna nang inilabas ni CIDG director Robert Morico II ang kopya ng security footage kung saan makikitang si Aplasca umano ang unang nagpaputok ng warning shot bago gumanti ng putok ang isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).











