--Ads--

Iginagalang ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahit pa aniya ay masakit ito para sa kanilang pamilya.

Sa pagbubukas ng kanyang SONA ngayong Lunes, binanggit ng Pangulo ang mga kasong isinampa laban sa ilang opisyal, mambabatas, at kontratista kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga flood control project na una niyang tinalakay sa nakaraang ulat sa bayan.

Sinabi rin ni Marcos na nakatakda nang magsampa ng mga kaso ang Office of the Ombudsman laban kay Romualdez, bagay na inamin niyang masakit para sa kanilang pamilya ngunit kinakailangang gawin.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Romualdez na hindi siya kailanman humingi ng anumang pabor o espesyal na pagtrato at sang-ayon siyang pairalin ang tama at nararapat na proseso.

--Ads--

Gayunman, mariin niyang iginiit na wala siyang ginawang anumang labag sa batas at nananatili siyang handang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Ayon pa sa mambabatas, mahalagang sundin ang tamang proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita upang lumabas ang katotohanan sa usapin.

Dagdag niya, nakahanda siyang patunayan ang kanyang inosensya sa anumang imbestigasyon o kasong maaaring isampa laban sa kanya.