--Ads--

Mariing pinabulaanan ng aktor na si Rob Sy ang mga paratang na umano’y nambu-bully ang kanyang menor de edad na anak, na humantong sa paghahain ng criminal complaint nina Alfred Vargas at ng kanyang asawa na si Yasmine Vargas laban sa kanya at sa kanyang partner.

Ayon kay Rob, isa siyang tahimik na tao na umiiwas sa gulo, ngunit napilitan siyang magsalita dahil sa patuloy na umano’y pang-aagrabyado sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang anak.

Nauna nang nagsampa ng reklamo sina Alfred at Yasmine sa Office of the Prosecutor sa Maynila kaugnay ng umano’y paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon sa mag-asawa, ilang beses umanong itinulak at inilubog sa tubig ang kanilang anak ng naturang bata habang nasa swimming training sessions. Iginiit din nila na hindi umano pinakinggan ng mga magulang nito ang kanilang kahilingang patigilin ang anak.

--Ads--

Samantala, ipinahayag ni Rob na labis ang kanyang sakit bilang magulang sa paratang laban sa kanyang 8-taong-gulang na anak, na aniya ay hindi totoo at binaligtad lamang ang naratibo.

Binigyang-diin din ng aktor na ipaglalaban niya ang katotohanan at handa silang harapin ng kanyang misis na si Jovelle ang reklamong isinampa laban sa kanila kaugnay ng alegasyon ng pambu-bully.