--Ads--

Nangako sina actor-politician Alfred Vargas at asawang si Yasmine na ipagpapatuloy ang kanilang paghahanap ng hustisya para sa kanilang anak matapos ibasura ng Office of the City Prosecutor ng Maynila ang kanilang Motion for Reconsideration.

Nag-ugat ang kaso sa alegasyon na paulit-ulit umanong itinulak at inilubog sa tubig ng isang menor de edad ang kanilang pitong taong gulang na anak habang nasa swimming training. Kinasuhan ng mag-asawa ang mga magulang ng naturang bata ng paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa isang pahayag, iginiit nina Alfred at Yasmine na may matibay silang ebidensya, kabilang ang mga testimonya ng mga saksi at psychiatric evaluation na nagpapakitang nakaranas ng trauma ang kanilang anak.

Sa kabila ng pagbasura sa kanilang mosyon, sinabi ng mag-asawa na dadalhin nila ang kaso sa Department of Justice at gagamitin ang lahat ng legal na remedyo upang maipagpatuloy ang kanilang laban.

--Ads--